AKO MISMO


Pasulpot-sulpot ang mga nauusong salita sa kanto, echos dito kemberlu doon…iba’t ibang salita, hindi naman malaman ang tunay na kahulugan. Ang wika ba’y isang uri ng pakikipagrebolusyon o dili naman kaya’y isang sunghay ng isang matamis na relasyon, isang pangangailangan o isang bagay lamang na nailalabas ng ating makakating mga lalamunan, na para bang isang ubong walang pakialam kung sino ang matamaan at kung ano ang kahihinatnan?

Lahat tayo ay may wika, may tinig na sumasamyo sa ating mga labi. Maging pipi ka ma’t bingi, bulag o kimi, lahat tayo ay may wikang sinasambit.

“AKO MISMO”, minsan ay nawika ko, nawika niya, nawika naming lahat. Sa loob ng tatlumpung segundong pagpapahayag, nagampanan nga ba talaga ang kanyang tunay na tungkulin?

Nariyang magsulputan ang mga sikat na personalidad, sila Angel Locsin, Maxene, Ely Buendia at marami pang iba. Maging mga ordinaryong mga mamamayan ay nakilahok na din. Sa Facebook, sa Friendster, sa twitter andun sya. Wari baga’y isang personalidad na sasambahin ng tao’t ipagsisigawan ang pangalan niya.

Naging sikat din sya sa kanto, nakatali pa nga sa leeg ng mga tambay. Maging sa negosyo, patok na patok, in demand kung baga. Minsan pa nga’y pinipirata pa, binibili, sinusuot, kahit wala ng makain, ok lng, makasunod lang sa agos ng buhay.

Ano ba talaga ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito? Isa lang ba ito sa mga bagay na nauuso at nawawala rin o isang malayang pangako ng pagtupad sa ating mga tungkulin? Isang tungkuling gampanan ang nararapat o isang tungkuling sa atin lamang ay sasapat? Ang pag-ahon ng isa o ang pag-unlad ng madlang nagkakaisa? Isa bang pwersang makapagbabago sa nabubulok na sistema ng gobyerno o isa lamang pagmamalaki sa mapanlinlang na panlabas ng isang tao?

Tanging ang ating natatagong salamin lamang ang nakaaalam ng katotohanan. Sa pagsambit ba, o sa pagsuot o sa pagsali ay nagagampanan ng mga salitang ito ang kanyang tunay na kahalagahan.

AKO MISMO ang magsisimula ng pagbabago. Isang pagbabagong tanging tayo lamang ang nakaaalam. Hindi man sambitin, o di kaya’y suotin, lahat tayo ay may pananagutang dapat tuparin.

Isa itong napakalakas na pwersang maaring bumuklod sa bayan. Nakakabingi, nakakabulag. Sana’y maging isa itong himig ng katuwiran, ng pagbabago at kapayapaan at hindi sa nakabibinging ingay ng kamunduhan.


Comments

Popular posts from this blog

Tita Cory, It is Well, It is Well!

like a bottle