BOBOto ka ba?


Eleksyon na naman. Uso na naman ang mural painting sa kalsada, iba’t ibang senyas ng kamay, at mga politikong sumasayaw at kumakanta.

Bigla yatang bumait si tito. Mukhang hahabol yata sa pwesto. Nagpamigay ng ham at groceries nung pasko.

Badtrip! Trapik na naman sa kanto. Naka-display na naman ang billboard ng mga politiko. Maayos pa ang daan na yun ahh.

Wow! Libreng pamaypay. May towel at t-shirt pa. May nakaipit din pala. Isosoli ko sana. Give away daw nya. Tumataginting na limandaang piso. Ayus! Teka, ano bang okasyon, birthday ba nya?

Gumagala din ang mga superhero. Isa lang ang pagkatao pero nakakadalawa kung bumoto. Flying pa nga kung tawagin. Oo, siguro kasi ang pera super fly din.

Siguradong aangat ang buhay mo. Sagot kita. Lalaban tayo. Ipagagawa ko ang eskwelahan. Libreng gamot para sa lahat. Lahat tayo ay makikinabang pag nanalo ako. Tutuparin ko ang pangarap nyo. Iboto nyo ako!

Hay! Ang daming pangako. Nakakalito na.Hindi naman malaman kung ano ang matutupad.

Ilang taon na rin akong nakakasaksi sa mga botohan. Nagbantay sa mga presinto kasama ang aking nanay. Umaasang mananalo ang kandidatong babago sa naging marungis na reputasyon ng pamamahala ng mga politiko. Isa boto para kay…Uy! Biglang nagbrown-out. Nagkakagulo ang lahat. Bakit yata laging kulang sa kuryente pag eleksyon….tradisyon!??

Ngayong nasa tamang edad na ako, kaylangan ko ba talagang bumoto? Kaylangan ko ba talagang gamitin ang pribilehiyong ito kung wala din naman akong nakikitang pagbabago? Kaylangan ko ba talagang mamili pa sa mga kandidato kung wala naman sa katuwiran ang nagiging kinalalabasan ng mga botohan? Kaylangan pa ba talagang bumoto kung wala rin naming kabuluhan kundi puro na lang kabulukan?

Ngunit, naisip ko rin kung hindi naman ako boboto, nasaan na ang aking karapatan at ang demokrasya na ating pinaglalaban? Hahayaan ko na lang ba ito sa kamay ng mapamuksang kamay ng gobyerno? Hindi ba’t mas maganda kung may gagawin ako?

Simulan natin ang pagbabago, gampanan ang ating marangal na tungkulin. Maging matalino sa pagpili .Maging ano man ang kahinatnan ng eleksyon, masasabi natin sa ating sarili, “nakilahok ako, may ginawa ako para sa bayan”.

Gamitin natin ang ating karapatan at tuparin ang ating responsibilidad. BOBOto ba tayo sa mga mapanlinlang na mukha ng mga politiko o boboto tayo sa alam nating tunay na makapagbibigay ng pagbabago.?

Tuparin natin ang ating responsibidad sa bayan. Ako, boboto ako.

Ikaw, BOboto ka ba?

Comments

Popular posts from this blog

AKO MISMO

Tita Cory, It is Well, It is Well!

like a bottle